Wednesday, February 18, 2009

Ang sanaysay ng dating EMO

"Fix me I'm broken!", "Leave me alone!"---Mga katagang nasambit ko noon. Nagkukulong ako sa kwarto ko para walang makakita sa akin na umiiyak. Pinaniwala ko ang sarili ko na kailanma'y hindi na mabubuo ang puso ko.

Isa akong Kristiyano, pero bakit ako ganito? Marahil nadamay na ako sa makabagong henerasyon. Sa mga taong tinatawag na EMO! Palaging nakaitim, may eyeliner, naka chucktaylor, tapos skinny jeans, at may bangs na halos takpan na ang mukha. Naging ganito ako. Nabubuhay ako sa dilim ng kahapon. Sumusuko ako sa mga problemang kaya ko namang lutasin. Ito ako noon. Napakalayo sa kung ano ako ngayon.

Natatandaan ko pa noon. Sa tuwing gigising ako sa umaga, mainit ang ulo ko. Napakasama na kaagad ng araw ko. Wala akong ginawa kundi ang magmaktol at sisihin ang sarili ko sa kung ano man ako noon. Natuto akong kumanta ng mga awiting nakakasira sa utak. Awiting nagsasabing ang pangit ng buhay. Wala nang pag-asa! at hindi ka na nararapat mabuhay. Hindi ko naman tinangkang magpakamatay. Pero tinatawag ko pa rin ang sarili kong EMO GIRL. Isang beses nag-mahal ako. Noong nalaman ko na kaibigan lang turing niya sa akin, nasaktan ako. Nagsimula akong magrebelde. Nagsimula na akong makinig ng mga awiting nagsasabi sa aking durog na ang puso ko. Umiiyak akong mag-isa. Nagtimpi ako ang patuloy na sinaktan ang sarili. Sinasabi ko na sa sarili kong "Ako na lamang ang kasama mo! Wala nang ibang magmamahal sayo!"

Sa bahay, malaking pagbabago ang napansin nila sa akin. Lagi na lamang akong sumasagot sa magulang ko at lahat ng gusto kong gawin ay ginagawa ko na. Pinaniwala kong hindi nila ako mahal. Masakit! Masakit isipin na hindi ka mahal ng magulang mo. Gigising ka sa umaga na sampiga ang sasalubong sayo. Sisigawan ka at sasabihing "Tamad ka talaga!" Simula noon, mas naging rebelde pa ako. Sarili ko na lamang ang pinaniniwalaan ko. Nagalit ako sa magulang na tinatawag ko. Mali! Oo, sobrang mali! Sinampal ko ko ang sarili ko, baka sakaling magising ako sa masamang panaginip na ito. Aray! Ang sakit pala. Naisip ko baka masakit ring kalimutan ang panaginip na ito. Inisip ko, "Masaya ba ako na ganito ako?" Sabi ng sarili ko, "Hindi! Hindi ka dapat maging masaya kung ganyan ka!"

Pinilit kong kalimutan ang sarili ko bilang isang Emo Girl. Binura ko na ang lahat ng litrato na nagpapaalala sa katauhang kong iyon. Nasabi ko sa srili ko, "Oo! oras na para magbago ka! Marami na ang nahihirapan sa ugali mong iyan." Habang nasa kalagitnaan ako ng pagbabago ko. Nakatagpo ako ng mangingibig, isang EMO! Gwapo, matangkad at medyo maputi. Naramdaman ko ang matinding takot na baka kapag napaibig ako ng lalaking ito ay hindi ko maituloy ang pagbabago ko. Tama nga ako. Nanligaw siya sa akin. May nararamdaman na ako sa kanya pero hindi ko siya magawang sagutin. Mahirap para sa akin ang magdesisyon dahil hangad ko na talagang magbago. Makalipas ang ilang buwan, Hindi ko parin siya sinasagot. Pero ako, Emo parin! Ano ba toh! Bakit Emo parin ako!?

Isang pagsubok ang dumaan sa akin. October, isang kaibigan ang napalayo sa akin. Hindi na siya nagpapakita at hindi na rin sumisimba sa church. Nagdasal ako sa Panginoon, "Lord! Sana po bumalik na siya!" Ilang linggo ko na ring ipinagdarasal ang kaibigan ko pero wala pa ring nagyayari. Tandang-tanda ko pa ang araw na iyon, October 31, 2008. Dumalo ako sa isang fellowship. Kasama ko ang mga kaibigan ko noon. Habang namemensahe ang Pastor, isang pangungusap na sinabi ng Pastor ang pumukaw sa puso kong durog. Sinabi niya, "Kung naghahangad ka ng pagbabago ng iba, simulan mo ang pagbabago sa sarili mo para makita nila na walang mawawala sa kanila kung magbabaga sila. Maging isang inspirasyon ka sa kanila" Napaluha ako noong mga oras na iyon. Oo! Sinubukan kong magbago noon. Alam ko na kung bakit hindi ko makamit ang pagbabago. Dahil tumatatak parin sa puso ko ang pagiging Emo ko. At ang mga taong nakakasalamuha ko ay sinasabing Emo parin ako. Hindi ko naisip na maging isang inspirasyon. At higit sa lahat, hindi ko naisip ang Panginoon noong nagdesisyon akong maging Emo. Nagsisisi ako sa nagawa ko. Naghahangad ako ng pagbabago ng kaibigan ko pero sarili ko, hindi magawang mabago. Hinintay lamang ng Panginoon na magbago ako bago magbago ang kaibigan ko. Pagkatapos ng araw na iyon. Linggo, nagpunta ako sa simbahan namin. Nakita ko ang kaibigan ko. Napakasaya ko dahil na patunayan ko na sa sarili ko na hindi nasayang ang pagbabago ko. Sa magulang ko naman. hindi na ako yung dating rebelde. Masaya ako dahil nakamit ko na talaga ang pagbabago. Ang laki ng pasasalamat ko sa Panginoon.

Ngayon, itinuturing ko na lamang ang nagyari sa akin bilang pagsubok. Mas lalo pa akong napalapit sa Panginoon, sa magulang ko at sa mga kaibigan ko. Ang mangingibig kong Emo , BASTED! Hindi ko na pinoproblema ang mga problemang hindi ko malutas noon. Sinasabi ko lamang, "Bahala na si Lord!". hindi man ako maging pinakamabait na anak at ka kaibigan. Gagawin ko ang lahat huwag lamang akong bumalik sa noon. Masaya na ako ngayon. Mas masaya sa inakalang kong kasiyahan ko noon. Iba na ko ngayon. Napakalayo sa kung ano ako noon. Wala na akong alalalahanin. Sigurado na akong hindi na madudurog ang puso ko dahil binigay ko na ng buong-buo sa Panginoon ang puso. Napagtanto ko na puno pala ng pagmamahal ang puso ko. Ganoon pala! Tanging ang Panginoon lang pala ang makakabuo ng "Broken Heart", kung ibibigay mo ang lahat ng piraso sa Kanya. God Bless You all!

by: zelle

1 comment:

  1. hi rhio,
    nice! you're pretty good in writing.
    keep it up!!!
    good to have blog, eh? your heart could scream and say, "I am happy to be with God. I have no complains! Thanks for my life that God has written to me.Praise Him!"

    ReplyDelete